Pangayaw

(Part of my MA Thesis. Published in Fortes, independent zine of the Society of Ateneo Literature and English Majors (SALEM), 2015. Fortes is for sale at 30 pesos per copy!)

Pangayaw
Dulang may isang Yugto

Mga Tauhan

William Monterama: mga 19 anyos, estudyante sa Ateneo de Davao (naka-uniporme), anak ng konsehal sa lungsod ng Kidapawan. May itsura.

Janice Malaumon: mga 19 anyos, estudyante sa San Pedro College (naka-uniporme), kalahating Manobo, taga Arakan Valley. May itsura.

Ang Barkada: Kinabibilangan nina
Luke: taga-AdDU
Sophia: taga-SPC
Cholo: Taga-AdDU

Tagpo: Sa ikalawang palapag ng McDo Sta Ana, lungsod ng Davao, tanghali hanggang hapon, kasalukuyang panahon at kamalayan

Magaganap ang dula sa loob ng isang araw

Pagbukas ng telon, nakaupo si Cholo sa nasa gitnang long table, nakalekwatro, nagtetext. Walang tao sa second floor.
Papasok si Luke

Cholo: Akala ko kasama kayo ni papa William?

Luke: (uupo sa tabi) Papunta na daw, gipauna niya ako. Sila Janice? Di ba nandiyan lang sila naga-dorm banda sa SPC?

Cholo: Ay ito, nagapatanong muna kung andyan na ba daw si papa Will. (magtetext) Ewan ko sa babaeng ito.

Luke: Para ano kaya ito ‘no? Grabe kakulba ni Will, malamang maglabas ng kaguol yun sa akin kaya ako gipaaga. Kawawa na lagi masyado siya Chol. Hindi baya siya talaga ganito, tikalon baya ito na tao since elementary pa, pero ngayon!

Cholo: Lagi uy, naga-shaky na lagi talaga sila ni Janice. Nitong huli daw nagaguol si Sophia kay parang may ginatago siya, pero wala man ding ginasabi sa amin itong gaga. Kasayang din ng 3 years uy! At katanga lang din ni Janice kung pakawalan pa niya si papa Will – saan ka makakita ng love story ng Manobo scholar na nakauyab ng anak ng city councilor!

Papasok si William, namumutla.

William: Cholo! Anong ginagawa mo dito?

Cholo: Papunta din si Sophia, gipapunta kami ni Janice.

William: (uupo) Ay anong ibig sabihin nito!

Luke: Ano ba kasi nangyayari sa inyo bay?

William: Ay bay ewan, hindi ko na talaga alam. Isang linggo na kami wala usap-usap, tawag man, text, o chat sa FB. Tapos ito, bigla na lang ako gichat na magkita daw kami dito ngayon para pag-usapan ang lahat.

Cholo: Hala ka uy, hindi mo gisubukan tanong anong problema?

William: Nito na lang, ayaw ko sana na lagi na lang problemahin ang relationship namin – yan baya ang dahilan nung una kami nag-away.

Luke: Hala so nag-away na pala kayo noon?

William: Ay oo, mga a month ago. Nagsimula na ka-cold ang relationship namin kay nabusy kami pareho sa studies – nag-SAMAHAN din baya ako, tapos siya kahirap daw ng subjects sa MedTech. Pero nagkaproblema lang kami kay gi-OA ko, nainis siya. Maliit na bagay lang bitaw sana, gipalaki ko pa. Ayon, para pambawi, giaya ko siya date kami sa Viking’s – gibigyan lang din ako ng cash ni dad. Pero biglang ganito na tapos nun…

Cholo: Hala naano na man ito uy.

William: Wala siyang ginasabi sa iyo, Chol?

Cholo: Wala gud talaga babe. Kahit kay Sophia. Pag tanungin namin, mag-shrug lang siya ng shoulders niya.

William: (tatakpan ang mukha ng kamay) Ano na man nangyari sa amin uy. Kasaya na sana namin. Nag-selfie pa gani kami nung nasa Viking’s kami, tapos gisend niya daw sa pinsan niya, na gipakita ang picture sa lola at mga pinsan niya sa kanila sa Arakan. Hindi baya yun mahilig mag-selfie, at lalo nang hindi yun mahilig magsabi ng tungkol sa amin sa pamilya niya, kaya kasaya ko talaga nun. Tapos ngayon, ganito na, hindi ko man lang gani alam anong problema.

Luke: Baka wala palang problema bay, ginaisip mo lang yan.

William: Lagi bay, sana nga…

Cholo: (nakatingin sa phone) nasa baba na sila.

Mapapatayo ang lahat. Papasok sina Janice at Sophia. Papansinin ni Janice ang lahat maliban kay William. Bibigat ang hangin.

Uupo si Janice.

Janice: Guys, iwan niyo siguro muna kami sandali.

Tahimik na tatango ang barkada at lalabas.

Maingat na uupo si William.

William: ‘Nice…

Janice: (may kukunin sa handbag: coin purse na wangis ng panda, ibabagsak sa mesa) Ibalik nako nimo.

William: (mabibigla) Ito yung galing Hong Kong, bakit-?

Janice: (ibabagsak naman sa mesa ang isang green na notebook bago matapos si William) Ug kani sad.

William: Yung galing Singapore na –

Janice: (ibabagsak ang isang pen purse sa mesa) Ug kani pud

William: Yung galing Boracay –

Janice: (ibabagsak ang isang libro) Ug kani.

William: last month ko lang to –

Janice: (ibabagsak ang nakatiklop na blouse) Ug kani.

William: Gibigay ‘to sa iyo ni mom, a – sandali gud, ano bang problema!

Janice: Ibalik na nako na tanan nimo. Dili nako na kinahanglan.

William: Anong – (makakaisip ng maling dahilan sa desperasyon, matatawa) bakit, ha, galit ka na hindi kita kasama nung nasa Hong Kong, Singapore at Boracay kami nila mom? Ay sus, ‘Nice, kung gusto mo dalhin kita sa Macau ngayong birthday

Janice: (puputulin ang salita niya sa marahas na tingin. Kumukulo sa galit) Kay ngano, tan-aw nimo kay pobre lang ko ug datu ka igo ra nimo ko paliton anang imong kwarta? Pag-adto og Macau ikaw ra usa…

William: (Magkahalong pagkabigla, indignasyon, at di maunawaang pagsisisi) A-ano bang problema…?

Manglilisik ang mga mata ni Janice, ngunit hindi ito mapupuna ni William. Hihinga si Janice ng malalim.

Janice: Undangon na nato ni. Dili na ko.

Parang nabuhusan ng malamig na tubig si William

William: (maluha-luha) Anong… anong ibig mong sabihin..?

Janice: Dili na ko.

William: ‘Nice, bakit? Anong problema? ‘Nice..? (magagalit, ngunit matatantong wala itong magagawa sa sariling galit. Mawawalan ng pag-asa. nagsisimula na ng iyak)

Janice: Dili ikaw ang lalaki para sa ako. Dili sad ako ang para nimo. Gikapoy na ko nimo. Undangon na nato ni.

William: ‘Nice bakit ito..? Anong gud ito uy..? (walang sagot) ‘Nice, wag mo ako Bisayain be. Ano man ito uy… (humahagulgol na)

Janice: (mukhang mag-aalinlangan sa tangkang gagawin, ngunit maiisipang hindi magpatuloy) Dili na lagi ko. Ayaw na ni palisda. Undangon na nato ni be, gikapoy na ko. (bukod sa kaninang tabis ay kailan ma’y di niya titignan si William)

William: (susubukang magsalita sa likod ng hagulgol) So… so talagang tapos na tayo

Janice: O, human na ta.

William: (hirap pa rin magsalita) Si… sige. Thank you for everything, ‘Nice. Salamat sa three years. Kadami kung nakita sa buhay dahil sa iyo… (mapait nga ngiti) Yung mga kwento mong Manobo lalo, hindi ko talaga makalimutan, kaganda… sana nakapunta ako sa inyo sa Arakan. May farm man pala daw kami dun sabi ni dad. (magdidilim ang mukha ni Janice) Thanks for everything ‘Nice. I love you. You gave me the best years of my life. I don’t know what I did, but I’m so sorry for everything. Ako man talaga ang lagi mali sa atin, ba… I – I don’t know kelan ko mapatawad ang sarili ko sa anong nagawa ko… I love you ‘Nice, I hope makalimutan mo ako… I love you. (tatayo, pupulutin ang mga nasa mesa ng parang pinupulot ang mga bildo ng nabasag na sarili) Good bye. (lalabas)

Hindi mapipigilan ni Janice, at tahimik na tutulo ang luha sa mga mata niya. Tutuyuin niya ito.

Maingat na papasok ang barkada.

Cholo: (uupo) ‘Nice, anong nangyari? (uupo din sina Sophia at Luke)

Janice: (matapos tuyuin ang luha) Wala. Wala na kami.

Sophia: Ha! Ano ba kasi nangyari?

Janice: Nakipaghiwalay ako.

Cholo: What!?

Luke: Sus, kaya pala grabe ang iyak nun. Hindi man gani kami gipansin paglabas niya.

Janice: Asan na siya?

Luke: Nagsakay ng taxi

Sophia: Ano ba kasing problema, ‘Nice! Magsalita ka na nga.

Janice: (hihinga ng malalim) May malaking farm ang mga Monterama sa amin sa Arakan.

Cholo: O, tapos?

Janice: Amin yung lupa, ancestral domain namin. Gikamkam noon ng lolo niya.

Sophia: Ano!?

Janice: Landgrabber pala noon yung lolo niya, si Agaton Monterama. Giuto pala niya ang lolo ko sa tuhod, ilang ektarya ng lupa para sa isang lata ng sardinas.

Cholo: My God..!

Janice: (tahimik na suklam) Nakita ko pano naghirap ang nanay-tatay ko buhay sa amin magkakapatid. Ngayon arang-arang na kami, pero gikailangan ko pa rin maging scholar ng Lumad People’s Federation para makapag-college. Hindi pa din alam nila papa asan magkuha ng pang-college ng mga kapatid ko. At hanggang ngayon wala pa rin kaming sarili naming lupa.

Luke: Grabe pala…

Janice: Pero ang pinaka-masakit yung hiya ni lola kay papa at mama na wala siyang natulong sa kanila. Okay lang gud kila papa, pero kawawa masyado si lola, kita masyado sa mga mata niya ang pagsisi sa hindi naman sana niya kasalanan. Anuhin din kaya niya pagbuhay sa pamilya niya na igo lang gipalit ng lata ng sardinas yung lupa ng tatay niya…

Sophia: Hala grabe ito… Pero ‘Nice, nakaraan na yun. Ganun pa rin ba kabigat ang nakaraan sa iyo na makipaghiwalay ka talaga kay Will?

Janice: (biglang may sigla) Oo, Soph’. Ito mismo ang dahilan bakit ako nagasikap maging doktor ngayon, para gamitin itong kolonyal na kultura para tulungan ang mga giapi kong kalahi. Alam niyo ano yang pangayaw?

Sophia: Oo, narinig ko na yan, yan yung blood war na ginagawa mga lumad pag naabuso sila

Janice: (halos sa sarili) Pero hindi lang sa dahas ang pangayaw. Itong ginagawa ko pangayaw din ito, ang paggamit nitong pagka-kolonyal ninyo para tahimik na maglaban sa pang-api ng mga kalahi ko. Pero talo ako kung mahila ako nito. Talo ako kung kahiligan ko ito. Talo ako kung hindi ko na ayawan ang tukso nitong pagka-kolonyal ninyo. At pinakatalo ako kung makuha ako ng anak ng landgrabber…

Cholo: Pero hindi man siguro ganun si Will…

Janice: (manghihina sandali sa katatagan, ngunit manunumbalik) Bitaw, saka pangayaw ko lang din ito. Pero may mas mabigat na pangayaw ang pamilya ko sa kanya. May mas malaking galit ang pamilya ko sa pamilya niya.

Luke: Mas malaking galit?

Janice: Gigahasa ni Agaton Monterama ang lola ko.

Sophia: Ano!?

Janice: Pagkatapos bilhin ni Monterama yung lupa namin ng isang latang sardinas, gigawa niyang tapper ang lolo ko sa tuhod sa gigawa nilang gomahan sa lupa namin. Yung lola ko may asawa at anak na noon, pero gikuha ni Monterama na katulong sa bahay nila. Doon, gihalay niya ang lola ko. Nagtakas daw si lola – halos hubo’t hubad – pabalik sa Arakan. Gisugod ng tatay at bana niya ang mga Monterama, pero nabaril si lolo, patay. Byuda ang lola ko ng 19. Gitakas na lang ng lolo ko sa tuhod ang lola at ang sanggol ko pa na tatay patago. Hanggang sa namatay na lang si Agaton Monterama hindi pa namin nakuha ang lupa namin.

Cholo: Hala ka uy. Pano mo ito nalaman lahat girl!?

Janice: (mapait na ngiti) Nag-selfie kami ni Will, gipadala ko sa pinsan ko para ipakita kay lola. Giatake si lola pagkakita sa kanya – kamukha daw pala sila masyado ng lolo niya. Mabuti na lang hindi naano si lola. Matagal na alam nila papa ang tungkol sa amin, pero hindi nila natanong ang apelyado niya. Ngayon lang din nila nasabi sa akin ang pangalan nung nagkamkam ng lupa namin at yung naggalaw kay lola.

Sophia: … Hindi kita ma-blame sa desisyon mo, ‘Nice. Wala tayo lahat magawa sa mga ganitong bagay. Pero parang kawawa naman si Will, wala siyang kaalam-alam.

Janice: (mapapaisip sandali) Oo, dapat niya nga malaman. Itext ko sa kanya.

Mukhang mag-aalinlangan si Sophia sa pagsuporta dito

Cholo: Asan kaya yun nagpunta? Hala kawawa man pa din si papa Will uy.

Luke: Kanina ko pa ginatawagan, ayaw magsagot.

Sophia: Luke di ba maka-track yan ng GPS ang phone mo?

Luke: Ay o tama, pero may wifi kaya siya kung asan man siya?

Sophia: Subukan mo lang.

Luke: Sige
Janice: Ayan, sent.

Sophia: Anong gisabi mo?

Janice: Na yun lang, gikamkam ng pamilya niya ang ancestral domain namin, tapos gigahasa ng lolo niya ang lola ko at gipapatay ang sarili kong lolo.

Cholo: Hala kasakit siguro niyan sa kanya.

Janice: (halos sa sarili) Sakit..?

Luke: May signal! Nasa condo na niya siya sa may Magallanes.

Sophia: I’m sure dagdag itong depression sa kanya pag nalaman niya…

Janice: (mahahabag) Dagdag depression..!

Cholo: Oo uy, grabe baya masyado ang sense of justice nun.

Sophia: Since elementary pa kami, siya talaga yan palagi ang makipag-away para sa mga kaklase naming ginabully, kaya gani sila nagkaibigan nito ni Cholo.

Cholo: Ay oo, I can never forget that!

Luke: At hanggang ngayon ganun pa rin yun. Ngayon na nasa SG siya ng Ateneo o, staunch supporter pa rin nung memo against sa bullying sa Engineering namin.

Cholo: Tapos di ba concerned din yan siya masyado sa mga lumad?

Luke: Ay oo, nagapush siya ng SAMAHAN scholarship para sa mga lumad students.

Janice: Hala kelan lang ‘to..?

Luke: Hindi na baya kayo masyado nagausap nito lang di ba? Ayaw niya din siguro abalahin ka sa kwento…

Janice: Hala, Will… (mag-aalinlangan na) Hala, anong ginawa ko… Hala…

Sophia: (mauunawaan ang pag-alinlangan ni Janice) Luke, puntahan mo si Will, bilis. Sino kasama niya sa bahay ngayon?

Luke: Wala, next week pa daw pa-Davao nanay niya.

Sophia: Dali, Luke. Magtaxi ka.

Luke: (mauunawaan at tatayo) Sige, hala wag naman sana -! (lalabas)

Cholo: (mauunawaan din) Hala ka uy wag naman sana! (tatawag) Hala ka, gipatay na niya ang phone niya!

Sophia: Sino ba ang kilala natin na nakatira doon malapit?

Cholo: Wala baya, ang pinakamalapit alam ko si John na nagadorm dito sa may Claveria.

Sophia: Tawagan mo, sabihin mo emergency.

Cholo: Okay. (tatawag) Cannot be reached, i-text ko lang.

Sophia: Sige. (mapupuna si Janice) ‘Nice, okay ka lang?

Janice: Hala Soph’ anong gawin ko kung may mangyari sa kanya..?

Cholo: Nagsagot na si John, papunta na daw siya.

Sophia: Good. Kalma ka lang, ‘Nice. Chol, pwede mo bilhan si Janice ng mainom sa baba?

Cholo: Sige, ako na muna tapal.

Sophia: Thanks.

Lalabas si Cholo

Janice: Hala, sana walang mangyari sa kanya, Soph’… (mauunawaan na ang nagawa) Soph’ bakit ko siya gisaktan ng ganun? Hindi man niya kasalanan, Soph’… Hala, kabait baya nun sa akin, he loved me so much...

Sophia: Oo, mahal na mahal ka nun. Mula nung gipakilala ka siguro namin sa kanya hindi ka na nawala sa isip nun. Ikaw baya ang first girlfriend nun.

Janice: Hala ano man ginawa ko uy. Soph’, katanga ko, baka ano pa lang mangyari!

Sophia: Kalma, ‘Nice!

Janice: (maiiyak na) Ay katanga ko talaga, Soph’! Gipatuloy ko lang ang sakit na gisimulan ng lolo niya. Sus kung anong magawa nun dahil sa gigawa ko!

Sophia: Kalma lang lagi, wala laging –

Biglang papasok si Cholo

Cholo: Nagtawag si Luke! My God nagbigti daw si Will sa kanila!

Janice: My God! Anong ginawa ko!

Sophia: Asan na sila ngayon!?

Cholo: Nagtawag si John ng ospital, ginasugod na nila sa Davao Doc. (tutunog ang telepono niya) Hello Luke… hala, oh my God..! (mapapaiyak) Namatay na daw si Will sa ambulance…

Janice: (hahagulgol) Will, Will, Will! Anong ginawa ko!

habang tahimik na iiyak si Cholo at Janice, tatabi sa isang kanto si Sophia, tatawag sa telepono. Maya-maya ay babalik siya sa dalawa

Sophia: Gitawagan ko na sina tita Maricel, (kay Janice) nagtawag pa daw si Will kay tito Ric para inconfirm yung gitext mo. (aktong bababa) Tara, puntahan na natin…

Janice: Soph’, kasalanan ko! Kasalanan ko!

Sophia: (hihinga ng malalim) Oo, pero dahil dito tapos na ang pangayaw niyo. Nakaganti na rin kayo. Only son si Will, dahil dito ubos na ang lahi ng mga Monterama. I hope masaya ka na.

Mapapatayo si Janice, mapapalakad sa gitna ng entablado,at mapapahagulgol sa pait ng natamong tagumpay bago bumaba ang

Telon

Advertisements


Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s