Kawayan sa Hangin

(This Davao Filipino short story is part of my MA thesis. Yes, it’s inspired by the murder of Cebu businessman Richard King. It is fascinating that someone implicated with the death of an IP in the Visayas gets killed in IP culture rich Davao. But I am not implying anybody is guilty or innocent of the crime here, nor am I implying that anybody deserves to be murdered. This is simply a study of character and possibilities.)

Kawayan sa Hangin

Makatakot ang pagdilat ng mga mata ni Lucy paghimas ko sa pisngi niya. Nakuyawan na nagulat. Paghawak niya sa kamay ko, kalamig ng palad niya, at kalalim ng hininga niya, halos ginahangak na. Ginapiga niya ang panatag sa kamay ko.
‘Nightmare,’ sabi niya paghiga niya sa dibdib ko.
Gisubukan ko magbiro. ‘Kalma lang. Pulis ang kasama mo.’
Tumawa siya at gihalikan ako. ‘Bitaw pala…’ Pero malamig pa rin ang mga kamay niya.
‘Ano pala napanaginipan mo?’
Pagbalik niya sa unan, gititigan niya ang kawalan ng ceiling sa kwarto ko.
‘Yung nangyari sa Boracay… Maybe it’s just because gipag-usapan natin si Lu.’
Sa kabilis ng mga nangyari sa amin nitong dalagang ito, kakonti pa lang ng alam ko sa kanya. Pero una ako nadala dito noong nagtanong siya sa akin tungkol sa kung anong security measures ang ginahanda ng kapulisan sa pagdating sa Davao ng Cebuanong negosyanteng si Reymond Lu.
Objective sana na tanong, pero kita sa mata niya nung interview na yun ang apoy na nagabaga sa loob niya. Ang galit niya ang una kong nakilala sa kanya.
Nakita din siguro niya na nadala niya ako, kaya giaya niya ako maghapunan tapos nun. Ilang buwan makalipas, andito na kami sa kama ko.
Lucy Catacutan. Graduate ng MassCom sa Ateneo, nakuha siya sa isang dyaryo sa Cebu bilang beat reporter.
Nitong taon lang, gipafence ni Reymond Lu ang ilang pirasong lupa sa Boracay na nabili daw niya para tayuan ng bagong branch ng hotel chain niya. Ancestral domain ng mga Ati yung lupa, pero kahit maglaban sila, armado yung mga tauhan ni Lu. Walong Ati ang patay nung magka-initan. Sabi ng kampo ni Lu self defence lang daw, pero alam ni Lucy na hindi totoo. Nandoon siya, naga-research para sa feature article na ginasulat niya tungkol sa issue, noong mangyari ang gulo.
‘Grabe chief, yung isang binata, they brought him sa village ng duguan… I was beside niya pa bago siya mamatay… Kalamig sa cheek ko nung kamay niya…’
Naghiga ulit siya sa dibdib ko. ‘May mga pulis pa talaga…’
‘Hindi lahat ng pulis ha, ganun…’ At ngumiti ulit siya.
‘Bitaw,’ dagdag ko. ‘Sulatan ko bukas ang Krame.’
‘Patay na na issue uy.’
‘Buhayin natin,’ at gituldukan niya ang sagot niyang tawa ng halik.
‘…How can you say things so easily sa mga bagay chief? Ako kahit naganood lang bilang journalist minsan grabe ko na kakaba….’
Napaisip din ako. ‘Ewan… siguro kasi wala din ako talaga pakialam sa mundo. Parang mali lagi yung pagkasabi ko – hindi ako involved sa mundo? Yan ganing pag may mabaril, o may maholdapan, hindi ako madala sa galit o awa o takot kay alam ko hindi man din ako kasali, wala man din mawala sa akin.’
So indifferent selflessness?’
‘Parang ganyan, pero iba ang indifferent sa apathetic ha.’
Nagtawa siya.
‘Kaganda pagkaphrase… Hay ka perfect mo, chief Serge!’
‘Matanda, lagom, kalahati netibo, police chief pa talaga. Ano na nangyari sa taste ng kabataan ngayon.’
‘Oy virgin ka pa baya bago ngayon ha.’
‘Sorry na gud.’
Kasarap ng tawa niya.
‘Pero bitaw. Hindi ka pa man matanda.’
‘Day, kung 22 ka, tapos 45 ako – sobra doble edad ko sa iyo.’
Tawa. ‘Ay basta, gusto kita…’
Kataw-anan. Matandang binatang pulis na kalahati Manobo galing sa bukid na syudad ng Kidapawan, gipatulan, giligawan – gidagit nitong bente anyos na tisay, singkitin at Atenistang journalist. Sa buong buhay ko padala lang ako sa hangin, pero ibang hangin din itong isang ito. Mahirap paniwalaan, pero parang tama lang din masyado.
‘Ipakilala kita sa lola ko sa bukid…’
‘Buhay pa pala?’
‘O uy. Ninety plus na. Babaylan baya yun.’
‘Bakit mo man din ako ipakilala?’
Force of nature ka man gud. Baka ma-amo ka niya’
Hinampas niya ako habang nagatawa.
‘Dalhin kita sa tribo namin sa Mua-an. Maganda doon, masarap ang hangin. Malapit sa may tribo namin may lasang ng kawayan… Kasarap din ng tunog ng mga dahon ng kawayan sa hangin. Doon parang walang problema… May hot springs din sa tribo, dalhin kita doon sa isang sapa na mainit.’
‘Pero magustuhan kaya ako nun? I’m not Manobo baya…’ May kaba sa tono niya.
‘Siya na lang gani natira sa buhay ko, awayin pa niya ang madagdag.’
Namula siya. ‘Oy ha, first time pa gani natin ‘to…’
Nahiya din ako. Oo bitaw. Apat na buwan pa lang kami magkakilala, at ngayon lang talaga kami nagkamabutihan. Masalita man din kasi siya, kaya kadami ko nang alam sa kanya. Parang katagal ko na siyang kasama.
Gihalikan niya ang kamay ko. Dun ako ulit nakakita ng pagkakataon.
‘Bitaw, seryoso ako sa iyo…’
Nagtawa siya, at nawala ang seryoso naming pakiramdam.
‘Ako man din. Pero let’s not rush lang siguro.’ At gihalikan niya ako.
Sige, dahan-dahanin namin.
‘Pero bitaw chief, asan na pala ang parents mo?’
‘Ay wala na. Bata pa ako nung mamatay nanay ko. Sakitin yun. Ang tatay ko mga ten years ago. Wala din ako mga kapatid at pinsan. Kataw-anan yan sila – naglayas ang tatay ko sa tribo nila para mag-aral. Kawawang nanay ko, ayaw tanggapin ng lola ko. Nung ako naman gidala sa tribo ng tatay ko, ako lang din gipansin ni lola, siya mismo ayaw ni lola kay nag-asawa ng Tagalog.’
‘Tapos marunong ka rin mag-Manobo?’
‘Alangan. May ilan din gituro si lola na gamot sa mga sakit-sakit.’
‘Hala kagaling! Teach me ha!’
‘Ng alin?’
‘Lahat!’
Utos yun. Nagulat ako sa diin. Pero ewan din bakit, parang lahat ng utos ni Lucy, hindi ko kaya tanggihan. Utos siya na hindi kaya tanggihan.
‘Pero bitaw, will she like me kaya?’
‘Si lola? Wala lagi siyang choice.’
Nagtawa siya, pero may lungkot ang tawa.
‘Hindi ko din siya mablame. Kung may mga kagaya ni Lu…’
Tama pala, si Reymond Lu. May event siya sa isa niyang negosyo sa makalawa.
Pumikit si Lucy.
‘I wish pagtapak niya sa Mindanao lamunin siya ng lupa…’
Natahimik ako pagsabi niya nun. Para siyang nagasumpa, nagabulong ng banal na kasiraan.
‘Hala,’ gisubukan ko pagaanin ang loob niya. ‘Para kang si lola naga-orasyon. Solemn na makatakot.’
Tumawa siya at gihalikan niya ako. ‘Hindi ka diyan!’
Naramdaman ko na naman yung apoy na nakita ko nagabaga sa loob niya noong una niya ako nadagit, noong una niya ako gihalikan, noong una niya ako gidala dito sa kwarto ko.
Pumatong siya sa akin.
Nasa loob niya ako, pero parang siya ang nasa loob ko. Parang siya ang nasa kalagitnaan ng mundo ko, nasa kalagitnaan ng mundo nitong malinis at malamig kong kwarto. Si malamig kong kalinisan siya ang madumi, magulo, at magalaw na buhay.
Nagtilaok na ang manok sa kapitbahay – umaga na.
Sabado ng umaga. Sa loob ng halos sampung taon balik balik ang ginagawa ko pag umaga. Pag sabado, tapos mag-kape, papeles, linis ng bahay. Tapos duty sa hapon. Sa mga dalawang dekada ko pagkapulis, hanggang sa naging hepe na lang ako ng intelligence unit sa Davao, wala pa akong absent.
Sagabal itong si Lucy. Bihira ako uminom, pero ngayon imbes kape ang pangsalubong sa araw nagbukas ng binili niyang Gin. Habang nasa mesa ako nagapirma ng mga papeles, nakasakbit siya sa likod ko, hubot hubad. Mahirap intawon magpirma ng papeles pag may nakahubad na dalaga sa likod mo.
‘Kalinis gud talaga nitong bahay mo. Sure ka lalaki ka?’
‘Hindi ko pa ba napatunayan?’ Gihawakan ko ang pwet niya, at nagtawa siya sa kiliti.
‘Iba talaga pag matino na lalaki,’ sabi niya. ‘Kasarap dumihan!’
Gipulot niya ang baril ko sa coffee table, at umupo siya sa sofa. Gidahan-dahan niyang hagod ang busal sa binti niya pataas sa singit niya.
‘Hey, tingnan mo ako.’ Parang makulit na pusa ang boses niya.
‘Oy delikado yan…’ Hindi ako nakatingin sa kanya. Pero totoo lang kahirap niya tanggihan. Trabaho, trabaho…
‘Ay uy…’ Sumuko siya, at bumalik na lang siya sa likod ko.
‘Ano ito?’ sabi niya maya-maya. Gikuha niya ang isang papel na may listahan ng mga pangalan at cellphone number.
Natahimik ako.
You don’t have to answer kung ayaw mo.’ Pero may utos ang landi sa tono niya. At lahat lagi ng utos niya hindi matanggihan.
‘Ay ano,’ simula ko, ‘mga kilala lang naming hitman.’
‘Bakit kayo may listahan?’
‘Kung may malinis na pagkapatay alam namin saan simulan pag-imbestiga.’
Nag tango siya. Wala man ding pangalang buo sa listahan, wala siyang masulat.
Giyakap niya ako. ‘Oy ha, don’t worry. Tayo na gani, pagdudahan mo pa ako.’
Natawa lang ako.
‘Makabasa ka ng isip?’
‘Hindi, pero makakontrol ako ng katawan…’ At gihimas niya ang paa ko. ‘Tingnan mo, mapatigas kita kung gusto ko.’ At nagtawa siya.
One round ulit tayo be before ako alis…’
Pagkatapos nun, umalis na siya. May daanan pa daw siya sa SM (sa Ecoland lang ang condo ko). Dito daw siya maghapunan bukas.
Pag-alis niya tinapos ko ang papeles ko.
Tiningnan ko din ang email ko. May isa galing sa baranggay captain ng Mua-an sa Kidapawan, kung nasaan si lola at ang tribo namin.
Nangumusta lang daw si lola. Nagtanong kung kelan daw ako sunod makauwi sa Kidapawan. May dagdag na hindi ko maintindihan: hindi daw mapakali ang abyan niya, ilang buwan na. maingay daw sa mga bulong ang lupa, parang galit ang mga tagabawa. Mag-ingat daw ako.
Sa pagbukas ko ng laptop nakita ko rin ang mukha ni Reymond Lu sa website ng lokal na dyaryo.
Mataba, may bigote, singkitin, naka-polo shirt at may makintab na relo. Hindi ko mapigilan magkulo ang dugo ko. Hala. Hindi ko maalis sa isip ko yung sumpa ni Lucy na lamunin sana ng lupa si Lu pagtapak niya sa Davao. Makahawa ang galit niya. Hindi man sana ako apektado sa kaso nitong si Lu (kahit na sabihin pa Lumad din ako), pero ngayon hindi sobra kung sabihing baka mapatay ko siya kung bigyan ng pagkakataon.
Naglinis ako ng bahay pagkatapos. Parang bagyo ang pagdating ni Lucy, maiba ang pwesto ng mga bagay: ang mga tsinelas na nakapatong sa door mat sa pintuan nakalagay na sa may kaliwa; ang mga kutson sa sofa na nakatayo paghilera, gipahalang niya tapos niya mag-upo; ang asukal na nasa kaliwa noon ng asin sa pantry, ngayon gipagitnaan na sila ng asin ng paminta; ang coffee maker na nasa tabi ng oven toaster, nasa kabilang gilid na ng pasimano; ang halaman sa coffee table malapit sa bintana, gitapat niya sa araw.
Naalala ko tuloy yung nanay at tatay ko: palagi sila mag-away kay ginaiba ni papa lagi ang ayos ng mga gamit. Pero kung si mama na ang magbago ng mga papeles ni papa sa kanyang study, wala lang reklamo si papa. Kawayan, piko-piko lang sa hangin.
Nagwalis lang ako at naghugas ng mga baso. Pagkatapos, lahat ng halaman gilipat ko sa mga lugar malapit sa araw. Katagal din nila hindi naarawan.
Lasing, at pagod sa kagulo na dala ni Lucy, natulog ako. Ngayon lang ako hindi papasok…
Nakasakay ako sa jeep. Sa labas ng bintana nagahalo ang mga kakahuyan ng Mua-an sa mga gusali ng Davao. May nakita akong matandang Manobo naga-akyat sa Bajada overpass, may dalang tambo sa likod.
Asan ito papunta ang jeep? Basta sakay lang ako. Ang nagadrive, si SPO1 Ricardo Uyonan. Naga-unauna itong batang ito. Noong may isang shootout sa Claveria, gitanguan nito niya ang superior niya ng utos. Kay emergency man okay lang, pero mahirapan itong bata umakyat ng ranggo kung hindi siya matuto magpiko. Sa tabi niya sa front seat si Hilda, secretary ko. Ewan bakit pero nanghingi ako ng kape kay Hilda. Sagot niya busy daw siya. Nagalit ako, pero gibalewala ko lang.
Takot ako pero naisipan ko bumaba ng jeep. Nung nagawa ko, tumapak ako sa tubig.
Nagasayaw kami sa ilalim ng tubig ni Lucy. Parang mga ibon sa ulonan namin ang mga isda. Sa sayaw namin, siya ang naga-una, sunod lang ako. Nagalutang ang mga balas sa galaw ng paa niya, parang usok.
Paghawak ko sa pisngi niya, nagtulo ang luha niya, at ang tubig sa paligid naging gubat ng Boracay. Nakahiga ako sa madahong lupa, duguan ang kamay. Maingay ang paligid, may iyakan, may sigawan. Minsan pinakita sa akin ni Lucy yung mga picture ng mga Ati sa Facebook niya. Sila ang mga nagatakbuhan sa likod niya ngayon. ‘Lupa! Lupa!’ sigaw nila.

Habang nagalakas ang boses nila nagsimula kalat ang usok na amoy gisunog na halaman ni lola.
Nandun nga si lola, sa likod ni Lucy, nagabulong sa Manobo: ‘Magbabaya, huwag hayaan manaig ang mga hindi pinahintulutang magdasdas sa kadalisayan ng Iyong mga anak…’
Galing sa usok ng kanyang ginahawakang bagol may binatang lumabas. Hindi ko kilala na binata, pero pamilyar. Kamukha ko noong bata pa ako. Lumapit siya sa akin at lumuhod. May hawak siyang dahon ng sambong. Gibigay niya sa akin at gitanong ako magkano ito. Tresyento mil, sagot ko, ang alok na pera ni Reymond Lu sa mga Ati para sa lupa nila.
Wag mo gamitin ang baril mo, pulis ka, sabi ng binata. Gamitin mo ito.
Sige, sabi ni Lucy. Gawin mo na. Hayaan mong lamunin ng lupa si Reymond Lu.
Bumangon ako, ang usok sa madahong lupa naging kumot na bumalot sa akin, humilahod sa sahig. Makita ko ang mga tauhan ni Lu, may dalang mga armalayt. Nagpunta ako sa mesa ko at gidilat konti ang mga mata – sandali naging carpet ko ang lumot sa sahig ng gubat. Tinandaan ko ang numero tabi ng isang pangalan sa nakitang papel. Nagpunta ako pagkatapos sa mga tauhan ni Lu, at noong mapansin nila ako, gipulot ko ang telepono at gidial ang numero. ‘Si Sergio Tarug ni… Hipusa si Reymond Lu. Tresyento Mil.’ Pagbaba ko ng telepono, nag-lakad paabante ang mga lalaki, at nakita ko sa taas ng bundok si Reymond Lu. Gitutukan siya ng mga lalaki ng baril.
At giyakap ako ni Lucy, at sa yakap niya naramdaman ko na kasali na ako sa mundo. Para siyang mainit na tubig galing sa mga bukal sa Mua-an, makakulba sa una pero masarap pag masanay ka na. At gihalikan niya ako, at gisabi niyang kawayan ako sa hangin. Matamis na kawayan sa hangin. Gibulungan ko siya ng tunog ng nagadaloy na tubig, at nabigla, naghanga siya. Giyakap niya ako ulit, at naging kasing bata ko na siya.
Nagising ako. Ano yun na panaginip? Hindi ko maintindihan pero kalakas ng pakiramdam ko pagkagising ko. Pagtingin ko sa cellphone ko, linggo na ng umaga.
Mga gawain ko sa umaga: ligo, kape, papeles. Mga alas otso ng umaga, habang nagatype ako ng sagot sa email ng isang reporter (tungkol dun sa imbestigasyon sa nagtapon ng used syringe sa Talomo beach), nag-ring ang telepono.
‘Human na boss. Ugma hapon sa may Queensland. Tresyento mil ‘to ha.’
‘Hello kinsa ni?’
Sandaling natahimik ang kabilang linya. ‘Pagtarong diha boss, recorded tong imong tawag gabii.’ At gibaba niya ang telepono.
Tresyento Mil? Ang tawag ko kagabi? Anong ibig sabihin..?
Hala, hindi kaya..!?
Biglang may malakas na katok sa pinto. Binuksan ko, at nagdali-dali pasok si Lucy.
‘Chief, si Reymond Lu..!’
‘Anong nangyari!?’
He was shot ngayon lang!’
‘Ha!?’
‘Sa loob ng opisina ng negosyo niya. Point blank.’
Gitignan ko siya, nagahingal, halatang nataranta, pero kasing tatag, kasing kuyaw ng gidala niyang balita. Ito ang magulong mundong kinabilangan ko, mundo ng gulo kung saan kasali na ako.
At napaluhod ako, nanginig sa takot sa kung ano ang nakaya ko gawin.

Advertisements


Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s