Ginasadya

(Part of my writings for thesis, so it’s in Davao Filipino.)

Basa sa dibdib ang t-shirt ko ng luha ni Kim. Shet, sana pala hindi ako nag-grey.

Malamig at tahimik ang Quezon Boulevard ng ala una ng umaga. Wala ang mga talipapa, mga sasakyan, at mga tao na nagapainit at nagapaingay sa kanya sa maaga-aga na oras. Minsan dala ng malamig na hangin ang ingay ng kalampag ng mga pantalan sa Sasa, o ang huni ng mga naga-drag-race sa may Diversion Road. Orange ang kapayapaan sa Davao pag madaling araw.

Puchaks, kung hindi lang nag-drama yung si Kim, kasarap na siguro ng pakiramdam ko ngayon.

May naghinto na jeep pa-Toril. Wala masyado siyang sakay, mga tatlo o apat lang, at bakante ang harap. Sa harap ako nag-upo para kita ko ang sarili ko sa salamin.
Kahit na naghubad ako ng t-shirt at naghiga sa kama ni Kim, maayos pa rin ang pagka-gel ng buhok ko, at hindi nabura ng paghalik at pagkain ko sa kanya ang lip gloss ko. Bagay man pala itong highlights na puti sa grey na t-shirt ‘no. Makasira lang talaga itong lakra ng luha ni Kim.

Laro-laro lang gud sana talaga yun uy, pastilan. Wala man talagang kahit anong romantic sa amin.

Night out lang namin sa call center isang weekend (doon pa talaga sa Metro Ave sa may San Pedro na bukot-bukot, hindi na lang sa MTS o sa Gateway ba). Kakilala siya ng isa naming kasama, underclassman daw niya na naga-aral pa rin sa SPC. Hindi sa pagmayabang pero bukot-bukot man din gud yung mga kasama ko, so sa akin lumapit.

Cute din baya siya – kulot-kulot ang brown na buhok with bangs, makinis na mapula-pula na mukha – so gikausap ko lang din. Sumpa, yang sabi nila na ang lalaki dalawa daw ang utak, totoo talaga yan, at noong siya ang kaharap ko yung baba na utak ko ang naga-isip.

Itong taas hindi masyado siya feel.

Ayun, two weeks kami nag-dinner-dinner bago niya ako giaya sa boarding house niya sa Boulevard kanina (puchaks, taga-Boulevard pa talaga, ano intawon sabihin ng mga ninuno ko sa Kidapawan kung malaman nilang kapitbahay ng drug pusher yung asawahin ng tagapagmana ng gomahan nila).

So gibirahan ko lang din, yun man gusto niya – shet, Maroon 5 lang, ‘I stick in my fingertips into every inch of you…’ Pero all throughout, tawa lang talaga ako, walang moment of silence o earnest stare ba. Wala talagang solemn prayer, palakpakan lang ng hips. Kahit habang nung nakapatong na siya sa akin kaingay pa rin naming sa ungol. Walang katahimikang maugatan ang kaseryoso.

Tapos bigla na lang siya magsabi na she wants me to meet her dad na daw. Sus. Sineryoso na talaga niya.

Giilingan ko lang. Hindi. Wala ito uy, wag natin palakihin. Ayun, habang naga-sigarilyo ako nakaupo sa sahig, giiyakan niya ang t-shirt ko. Pagsabi ko na sana kaibigan pa rin kami, gihagis niya lang ang t-shirt sa akin. Sign na siguro yun na dapat na ako mag-alis.

Gipatugtog niya nun ang ‘Light a Roman Candle’ ng Fun. Sa simbahan nagapa-insenso pag may misa para maamoy ng mga parokyano ang Holy Land at makita nila sa usok ang mga ulap ng langit. Ganun din sa mga in love, magpatugtog para may soundtrack ang drama nila. ‘I was born for you,’ ‘Got to believe in magic,’ ‘Forever’s not enough,’ at ‘I love you like a love song baby.’ Pag may LQ, Adele kaagad, ‘Turnin’ Tables,’ tapos ‘Rollin in the Deep,’ tapos pag-hiwalayan na, ‘Never mind I’ll find someone like you,’ kung hindi ‘Somebody that I used to know.’

Ugh, kaluod.

Hay salamat, tuyo na ang lakra ng luha sa dibdib ko.

Hindi man sa hindi ko siya kaya mahalin. Ayaw ko lang talaga magmahal? Katanga man gud. Paniwalaan mo na siya na ang lahat, parang utos ng Diyos na mahalin mo siya. You’re my only one tapos kadami mo mauyab sa buhay mo, wow ha. Sa totoo lang nasa isip lang man talaga yan ng tao.

Nagdaan ang jeep sa Bangkerohan bridge galing Magallanes (kay gabi na man hindi na nagsunod ang jeep sa rota).

Ah, itong puno. Sa may south ng tulay may mag-isang puno sa gitna ng kalsada. Ewan ko bakit mag-isa na lang siya. Pero gusto ko siya, makatuwa siya kasi mag-isa lang siya. Siya na siguro ang paborito kong puno sa Davao.

Shet, symbolism yun a. Ganito lang gud ang pag-ibig. Sadyain mo lang. Kung gisabi ko sa sarili ko na mahal ko itong puno na ito, mahal ko siya. Pero ano ba ang nasa puno na ito na wala sa iba? Na nag-iisa siya sa gitna ng daan? Dahilan na yun? Ang mismong pagsabi ko lang na mahal ko siya ang nagapatotoo sa pag-ibig ko. Ginasadya lang talaga yan.

Nung nasa-Ateneo pa ako, gipabasa sa amin yung ‘Little Prince.’ Kapangit na kwento, gidrama lang ni Saint-Exupery yung pagka-arbitrary ng pag-ibig, makainis. Mas revealing yung ‘fiat’ ni Virgin Mary: sa mismong pagsabi niya, nagkatotoo.

Kababaw ‘no?

Ginasinungalingan lang ni Kim yung sarili niya uy. Tapos ngayon ako pa ang masama kay hindi ko ipatotoo yung kasinungalingan niya..?

Pero totoo din na hindi pa ako na-in love talaga. As in, yan talagang in love na in love talaga. Game-game lang siguro dito (gaya ni Kim), landi-landi diyan, pero yang iyakan ko na pag gabi, o antayin ko sa labas ng bahay sa ilalim ng ulan para hindi makita ang mga luha ko because it hurts so much? kaluod.

Pero bitaw. Subukan ko kaya siguro muna bago ako maging cynical ‘no. Hindi imposible, ginasadya ang pag-ibig. Ang tingin ko ngayon tanga siya, pero hindi ko pa talaga na experience, baka may angle pala sa love na hindi ko alam.

Nagpara ang jeep sa McDo Matina – mingaw na ang MTS kay liquor curfew na man. May magandang babae na nagsakay – nagbaba ako para sa loob siya. Paglarga ulit ng jeep nagnakaw ako ng tingin sa bago kong katabi.

Singkitin. Straight ang buhok na kalinis ng pagkaitim. Kakinis ng balat niya, maputi na may pagka-yellow. Bilog ang mukha pero kaganda ng tangos ng ilong. Kasarap ng pagkapula ng kanyang mga maliit na labi. Naka-sleeveless turtleneck siya na green at denim na short shorts na giternohan ng bag na green at maong na piping. Kabango niya, amoy coco butter…

Sige ito, subukan ko dito.

Ano kaya pangalan niya? Bigyan ko siya ng pangalan. Rachel? Yaks ka-slutty. Brooklyn? Samot! Genevieve? Hindi bagay kay singkit man siya. Portia? Ay parang matanda. Katherine? Yaks parang katulong, ‘Day katereeen, ang termos!’

Ay sus, wag na, ayoko pangalanan. Walang bagay sa kanya kung ako magpangalan…
Pero kung malaman ko kaya na ganito ang pangalan niya o ganito ba, magandahan kaya ako?

Hm. ‘Celine’… shet, kagandang pangalan. Sige yaan.

Nasa may Alexian Brothers na ang jeep nang mag-ring ang cell phone niya.
‘Hello dad… yeah, pauwi na po… wala lagi… si mom…? Sige, sige… love you dad…’

Shet kacute ng boses niya. Kasarap pa talaga niya tumawa. Girly pero sa pag-pronounce niya ng words halatang matalino.

Tapos daddy’s girl pa talaga, shet kacute talaga. Taga-saan ito siya na parang mayaman man..? Sa Solariega!? Shet Lord sana kay sa Puan kami pareho magbaba!
Giabot niya ang pamasahe niya sa driver.

‘Sa poblacion Toril ‘nong.’

At kabigat na ng pakiramdam ko. Wala na, totoo na ito. Grabe, kabilis pala nito…
Hala shet sana traffic sa Matina Crossing, sana traffic – yes, traffic! Pero hindi masyado, konti lang, hanggang palengke lang.

Kausapin ko kaya..? Sus ano man din mapag-usapan namin? Matalino ito, hindi din naman ako bobo, pero ano simulan namin..!

Bwisit itong driver, pag mag-small talk ako baka magsali pa.

Shet asan na yung galing ko sa babae!?

… Sige ha, pag go ng traffic light kausapin ko siya. ‘Toril ka man ‘no?’ ang simula ko.

Naglarga na ang jeep. Shet, katalawan ko. Hindi ko kaya. Hindi talaga. Grabe katakot ko na isipin niyang weirdo ako.

Habang nagaderetso ang jeep papasok ng Bangkal, nag-nakawnakaw na lang ako ng tingin sa kanya sa salamin.

Naga-text siya. Hala sino kaya ka-text niya? Boyfriend!?

Shet ganito ba ang selos? Parang sobra kalain na inggit kay may sabay na pakiramdam na wala kang pulos.

O di kaya kaibigan niya, ginatext niya na may cute siyang katabi!? Nakangiti siya – hala hindi kaya!?

Sus naano na ako, nagadelusyon na. hindi na ito tama.

Hala, ayoko na. Ayoko na talaga. Tama na.

Sige, bawi-bawi. Tigilan ko na ito. Masakit na. Tanga na.

Hindi ito totoo, Danny. Gawa-gawa mo lang itong pagkagusto mo sa kanya. Hindi mo man gani alam totoong pangalan niya! Hindi ito totoo. Hindi totoo ang ginasadya…
Shet, hindi madala.

Sige, isip ka ng distraction… si Kim? Ugh, ayoko isipin. Ayoko mag-isip ng kahit anong madumi sa tabi niya –

Grabe na ito. Hindi na talaga ito tama.

Sige, ibang distraction. Ano yung sabi sa Streetcar Named Desire? ‘The opposite of desire is death.’

Go ang traffic light sa Central Park, kaya kabilis ng takbo nitong uso-uso named desire. Nagtingin ako sa nagatakbong daan. Pag nahulog ako dito, patay ako…

Sa isip ko bigla ko giangat ang sarili ko papasok sa jeep tungo sa kanya sa tabi ko. Nagalaw ko talaga ang katawan ko papasok konti! Sus kahiya kung natuloy ko siyang dutdot.

Hindi ko madala sa ibang uwag, hindi din sa memento mori… Puchaks, seryoso na ito.

Lord, shet sana hindi traffic sa Ulas. Ayoko magtagal ng ganito sa hindi ko makuha. Wag mo talaga ipatraffic sa Ulas lord. Sana walang traffic sa Ulas…

Traffic sa Ulas. Sa inis ko napamura ako ng malakas.

‘Shet, traffic. Madaling araw na gani…’

‘Lagi uy…’

Puchaks sumagot siya! Grabe kalakas ng naghalong kaba at excitement, parang magsabog na ang leeg ko.

Small talk kaagad gago! Nagauwian pa lang galing gimik mga tao, mag-out of town siguro, nagadali ka pala? Kahit ano!… pero saan ito papunta? Wala, wala itong papuntahan, papunta lang ito sa Puan na babaan ko, masaktan lang ako…
Ugh, nawala na ang traffic. Kasakit, pero ngayon na patapos na kasakit din. Bwisit. Bwisit.

Kalapit ko na magbaba.

Hindi ako in love sa kanya. Hindi ako in love sa kanya. Hindi ako in love sa kanya.
Nagabasa siya ng text message. Nakapatong ang pisngi niya sa kanyang kanang kamao. Nagtawa siya ng maliit.

Shet kacute niya. Kasarap na maglukso para masagasaan na lang ako ng truck galing crossing Mintal.

Sige, worst case scenario sa pag-ibig… Mag pina-Dante. Maging kontento sa kung anong makuha mo…

Naghinga ako ng malalim. Masarap at malamig na hangin, ugong ng jeep, siya sa tabi ko…
Nakalma ako, at bigla, tama ang lahat.

Masarap man din pala kung ganito lang. Masakit pero masarap din masyado.

Ganito pala ma-in love. Makabuang, pero maka-addict din.

Sus, kabuang ko, alipin ng sandali. Ito kayang katabi ko ginaisip lang ba naman kaya ako..?

Puan na. Bumaba ako, resigned na. Gilayo ko na lang ang tingin ko sa kanya.
Nagbayad ako sa driver, pero bago maglarga ang jeep hindi ko napigilan magnakaw ng tingin sa kanya ng huling beses.

Nakatingin din siya sa akin, nakangiti, at naglarga na ang jeep. Nakatayo ako sa may Nograles Park, nakanganga.

Papuntang Toril, nagaliit-nagaliit ang pag-asa sa kadiliman.

Hala shet ano man yun!? Ano man yun!?

 

Advertisements


Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s