Ang Pinakapiling mga Tula ng 1931 ni Jose Garcia Villa

(What follows is a translation to Filipino of National Artist Jose Garcia Villa’s essay “The Best Poems of 1931,” published in the Philippine Free Press in January 2 1932. It met significant criticism from the Filipino Literati of its time, making it the most controversial installment of his Annual Selections. After it Villa only sparingly made public commentary on Filipino poetry. In the making of this translation, I might incorporate some words from the regional languages, in line with my intent to contribute to the further nationalization of the Filipino language. I will not include Villa’s actual selections in this translation, but the results are readily accessible on the Internet.  I owe my copy of the essay to Jonathan Chua’s collection of Villa’s Criticism, “The Critical Villa,” and to Mich Tan for getting me a copy of the book.)

I

Tingin ko’y panahon na para magkaroon tayo ng kritisismo sa lokal na panulaan. Dahil tila walang mga kritiko, aakuin ko ang tungkulin ng pagtukoy sa mga pinakapiling tula na mailalathala sa Pilipinas bawat taon. Nakalulungkot talaga na mapunang bukod sa talamak  sa mga kritiko ang proletarianismo, may kakulangaan din ng mga ito. Kung walang kritisismo, walang pagkikilatis kung ano ang nararapat (puriin) at ano ang hindi; at kung wala itong pagkilatis, wala tayong matatamong pag-usad.

Kaya’y namili ako ng aking mga itinuturing pinakapiling tula noong 1931 ng nasa isipan itong kahalagahan ng kritismo. Inaamin kong hindi lahat ng tulang nailimbag noong 1931 ay nakarating sa aking atensyon, pero nakuha ang mga tula sa niyaring Parangalan mula sa mga nangungunang periodiko sa Pilipinas. Ang saklaw ito’y mula Henero 1931 hanggang Setyembre 1931. Ang mga nailimbag na tula mula Oktubre 1931  ay lalabas sa aking pamilian para sa taong 1932.

II

May talamak na kamalian sa isipan ng karamihan tungkol sa kung ano ang tula. Sa kanila, ang tula ay ang kahit ano mang nagtataglay ng mga mababaw na katangian gaya ng sukat at tugma; lahat ng mga hindi nagtataglay nitong mga katangia’y hindi matatawag na tula. Isinasantabi nitong makitid na kritisismo na ito ang tunay na himig ng tula. Sapagkat may mas malalim na himig ang tula sa pawang kamaruan ng tugma, may mas malalim pa itong buhay kaysa sa anong makikita sa pambatang aliw na makukuha mula sa pang-kantang ritmo.

Berso lamang ang anyo, ang nilalaman ang tula. Ang tula ang makumpas na pagsasalin ng damdamin sa pamamagitan ng kagandahan. Samakatuwid ang pangunahing layunin ng tula ay ang paglikha ng damdamin: ang notasyon ng damdamin sa anyong kaakit-akit. May kawalan ng hininga ang makata sa kanyang kaloob-looban na kanyang ginagawang kawalan ng hininga ng mga salita, na siya namang magiging kawalan ng hininga ng mambabasa. Ito ang tatak ng tunay na tula. Ang iba pa mang berso na hindi nagtataglay ng ganitong karikitan ay pawang berso lamang.

Kaakibat nitong sukatan ng makatang diwa ay ang sukatan ng hulagway: ang pag-iisip ng makata’y panlarawan. Ang sa kanya’y mga salitang umuukit ng anyong bibighani sa isipan – na sasalakayin ito, na lulupigin ito tungo sa benediksyon ng puso. Samakatuwid ang mga ito – damdamin at hulagway – ang unang sukatan ng tula: sukatan ng diwa.

Ang pangalawang kailanganin para sa tula ay kumpas. Hindi ito agad agad tumutukoy sa sukat. Ang sukat ay isa lamang uri ng kumpas. Ang kumpas ay aliw-iw; ang pagka-simetriko ng kilos: ang kapakpakan ng daloy. Kaya ang malayang berso ay tula. Wala itong sukat ngunit may kumpas. Ito’y berso, hindi prosa. Pamprosang kumpas ang kumpas nito, ngunit hindi na ito prosa: ang nilalaman nito, ang kawalang hininga ng diwa nito (kung mayroon man), ay tuluyan na itong iniangat mula sa prosa, inilipad na ito sa katayugan ng tula.

Isa pang esensyal sa tula ay ang kasang-ayunan (harmony): ang pagsasang-ayon ng mga kanais-nais na himig. Kasabay ng kailanganin ng kumpas, ito ang ikalawang sukatan ng tula: ang sukatan ng anyo.

Ginamit ko ang dalawang sukatang ito, ang sukatan ng diwa at ang sukatan ng anyo, bilang basehan ng akong pamimili.

III

Sa Parangalang kasabay nito, tumutukoy ang dalawang asterisko sa tabi ng pamagat na nakapasa ang naturang tula sa dalawang sukatan, ang sukatan ng diwa at ang sukatan ng anyo. Mas matayog na parangal ang tinutukoy ng tatlong asterisko: na ang tula’y may humigit kumulang permanenteng kahalagahang pampanitikan.

IV

Sa panulaan ng nakalipas na taon may mapupunang kagawian tungo sa pilosopiya. ang lirisismo’y mababa at halos di mapuna. Tingin ko’y nararapat kong sabihin dito na hindi naman dapat tuluyang pabayaan ang lirisismo: ang awit ng puso’y ‘sing ganda ng awit ng hangin – at mas matayog itong nangingibabaw.

Ang kalakhang bahagi ng Panulaang Pilipino ay liriko noong mga nagdaang taon. Sa katotohanan nga’y masyado itong liriko, nakauumay sa sobrang liriko. Hindi nakapagtatakang panahon yaon ng salat na panulaan. Mangingibabaw lamang sa lebel ng tunay na tula ang Panulaang Pilipino sa Ingles sa pagdating ni Angela Manalang Gloria. Iniangat ni Bb. Manalang (ngayo’y Ginang Gloria na) ang Panulaang Pilipino mula sa kangkungan ng walang saysay na sentimentalismo sa dignidad ng tunay na sining. Binigyan ni Bb. Manalang ang tulang Pilipino sa Ingles ng kauna-unahan nitong karangalan; binigyan niya ito ng katinuan at ng kaselanan. Napakalayo ng pagkamaharlika ng kanyang tula sa marupok na garbo ng kanyang mga sinundan. Samakatuwid, opinyon ko na si Bb. Manalang, sa aspetong pagkakasunod-sunod at kahalagahan, ang kauna-unahan sa ating mga makata. (sa pagbigkas ko nito, hindi ko sinasali si M. de Gracia Goncepcion, sapagkat hindi ko pa nababasa ang kanyang mga tula, maliban sa kanyang tula na kalalabas lang sa Philippine Magazine, na hindi ko rin naman nagustuhan.)

Mula kay Bb. Manalang, nagpatuloy sa pagiging liriko ang Panulaang Pilipino sa Ingles, hanggang sa mailimbag ang Songs of Explanation noong 1929. Pumasok ang pamimilosopiya sa Panulaang Pilipino kasabay ng grupo ng mga tulang ito, at ang pamimilosopiya ngang ito  ang nangibabaw noong nakaraang taon.

Dapat mabuhayan ang makatang Pilipino. Hindi madaling sining ang panitikan, at kung ganito na agad ang natamo natin sa maikling kwento at tula, magniningning pa lalo ang kinabukasan.

Advertisements


Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s